-- Advertisements --

Inamin ng Department of Health (DOH) na aabot sa mahigit 1,800 posisyon para sa mga government nurses ang hindi pa napupunan sa gitna ng coronavirus crisis.

Sa ginanap na deliberasyon ng House panel kaugnay sa proposed 2021 budget ng kagawaran, sinabi ni Health Undersecretary Roger Tong-an na kinakailangan pang kumuha ng pamahalaan ng kabuuang 1,831 mga nurse para sa COVID-19 response.

“Sila po ‘yong mga nagre-resign at nagre-retire na mga nurse,” wika ni Tong-an.

Gayunman, ayon kay Tong-an, nakapag-hire naman ang gobyerno ng mahigit sa 8,000 karagdagang mga nurse sa kanilang emergency hiring.

Samantala, inamin ni Tong-an na mayroon pa ring kakulangan sa physical at respiratory therapists, at medical technologists para sa plantilla positions sa gobyerno.

“Napi-pirate po kasi ng ibang bansa dahil triple o five times po ‘yong mga sahod nila doon so lalo ‘yong mga physical therapists natin, umaalis na sila sa bansa,” ani Tong-an.

Kaya naman, kinuwestiyon ni ACT Teachers’ party-list Representative France Castro ang DOH dahil sa pagkakaroon nito ng mahigit 13,000 job order at contract of service workers sa kabila ng mahigit 14,000 plantilla positions na hindi pa napupunan.

Hinimok naman ni Castro ang ahensya na bumuo ng plantilla positions para sa nurse at iba pang mga medical workers para makatulong sa laban ng pamahalaan sa health crisis.