-- Advertisements --

Striktong ipinatutupad ng PNP ang uniform curfew hours sa NCR plus bubble kasabay naman sa paghihigpit sa mga boarder at quarantine control points.

Sa datos na inilabas ng PNP Joint Task Force Covid Shield sa pamumuno ni PNP Deputy Chief for Operations Lt Gen. Israel Ephraim Dickson, simula May 15 hanggang August 2,2021 mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga sumampa na sa 184,161 indibidwal ang lumabag sa curfew hours.

Sinabi ni Dickson sa nasabing datos, 95,518 ang binigyan ng warning; 62,075 ang pinagmulta; 81 ang nakakulong; 21,701 ang pinalaya; 4,786 ang pinagawan ng community service.

Ang NCR parin ang may pinaka mataas na bilang na lumabag sa uniform curfew hours.

Iniulat din ni Dickson nang simulan ang paghihigpit nila sa mga border control points mula August 1 hanggang August 2 umabot na sa 7,420 indibidwal ang hindi pinapasok sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Nakapagtala din ang JTFCovid Shield ng nasa 12,207 indibidwal na nagpanggap na Authorized Person Outside Residence (APOR) o essential person pero walang maipakitang pruweba sa mga Pulis dahilan para di pinalusot sa mga checkpoints.