CENTRAL MINDANAO – Naging simple ngunit makabuluhan ang naging selebrasyon ng kapistahan sa bayan ng Aleosan, Cotabato sa patron nitong si San Lorenzo Ruiz.
Sa halip kasi na may handaan tulad ng nakagawian sa bawat pista ay inilaan na lamang ang budget para rito sa pagbili ng sako-sakong bigas na ipinamahagi sa mga residente ng bayan.
Ayon kay Rev. Fr. Romeo Marcelino, OMI ng San Lorenzo Ruiz Parish Church, nasa 120 sako ng bigas ang ibinigay sa 1,095 beneficiaries mula sa 32 kapilya ng Aleosan.
Laking pasasalamat naman ng mga benepisaryo sa tulong na ibinigay ng simbahan.
Anila, hindi nawala ang esenya ng kapistahan ni San Lorenzo Ruiz na kilala din bilang sa pagiging mapagbigay sa kapwa.
Kung maaalala, ipinagbabawal pa sa ilalim ng panuntunan ng Modified General Community Quaranitne (MGCQ) ang pagkakaroon ng mass gathering na kadalasang nangyayari tuwing may kapistahan.
Ang bayan ng Aleosan ay nanatili sa ilalim ng MGCQ upang malabanan ang banta kontra COVID-19.