-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Inilikas ng lokal na pamahalaan ng Pio Duran ang mga stranded na pasahero sa pantalan matapos ang mga pag-ulan na naranasan sa lugar at halos abutin ng tubig-dagat ang pantalan dulot pa rin ng Super Typhoon Egay.

Ayon kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, halos pumasok na sa port terminal building ang tubig-dagat kaya kinailangang ilikas ang mahigi 1,000 na mga stranded passengers.

Ang iba naman aniya ay nagpasya na manatili na muna sa mga hotel kaya halos punuan na nag mga hotel sa naturang bayan.

Sinabi pa ng opisyal na patuloy pang nadaragdagan ang mga stranded na pasahero dahil sa pagdating pa rin ng mga biyahero sa naturang pantalan.

Kaugnay nito ay sinabi ni Ordoña na nagpapatuloy sa pamamahagi ng pagkain at ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong biyahero.

Samantala, daan-daang mga trucks at light vehicles naman ang nananatili ngayon sa holding area ng pantalan.

Maliban dito ay nagbabala ang si Ordoña sa publiko na isolated ang Barangay Panganiran kaya pinayuhan nito ang mga residente na iwasan muna ang pagtungo sa naturang lugar.