Patuloy ang pagpapaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng pag alburoto ng Mt. Kanlaon sa Negros Island.
Batay sa datos ng ahensya, umabot na sa 2.4 milyon ang kabuuang halaga ang naipamahagi ng DSWD sa mga evacuation center sa Central Visayas at Western Visayas.
Nasa 280 na pamilya o katumbas ng 1,138 na indibidwal naman ang nananatili sa anim na evacuation centers sa Western Visayas habang dalawa na lamang ang evacuation center sa Central Visayas at mayroon itong 80 pamilya o katumbas ng 262 na mga indibidwal.
Samantala siniguro naman ng kagawaran na hindi ito magkukulang sa pamamahagi ng iba pang relief goods at potable water kung kaya’t nakipagtulungan na rin ang DSWD sa mga local water utilities.
Sa ngayon ay patuloy namang binibisita ng mga Regional Director at iba pang kawani ng DSWD ang mga evacuation center upang tignan ang kalagayan ng mga Pilipinong lumikas at matiyak na matutugunan nila ang anumang pangangailangan ng mga ito.