Mahigit 2,000 katao ang nalibing ng buhay sa isang remote village sa Papua New Guinea dulot ng malaking landslide ayon sa ulat ng national disaster center ng naturang bansa sa United Nations.
Naganap ang landslide noong Biyernes kung saan gumuho ang bahagi ng Mount Mungalo sa Enga province dahilan para matabunan ang mga kabahayan maging ang mga taong natutulog pa sa mga oras na iyon.
Tuloy-tuloy pa ang ginagawang operasyon para mailigtas ang mga biktima kung saan tulong-tulong ang mga awtoridad at mga residente.
Ayon kay United Nations migration agency official Serhan Aktoprak, patuloy pa rin ang pagbagsak ng ilang bato mula sa bundok. Mayroon din aniyang tubig ang dumadaloy pababa ng bundok na maaari umanong maging sanhi pa ng pagbagsak ng lupa.
Pinaniniwalaan na ang ilang linggong malakas na pag-ulan ang naging sanhi ng malaking landslide sa lugar.