BACOLOD CITY – Nagkakahalaga ng halos P14 million ang mahigit dalawang kilong suspected shabu na nakumpiska ng mga otoridad sa buy bust operation na isinagawa sa San Carlos City, Negros Occidental kahapon ng hapon.
Nagsanib puwersa ang San Carlos City Police Station, Regional Intelligence Division (RID)-6 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-6, upang isagawa ang operasyon sa 2nd Street, Street Vincent Subdivision, Barangay 1, San Carlos City.
Nahuli ang nagngangalang Emmanuel Siaboc alyas Eman, 31-anyos na residente ng Burgos Street, Barangay 6, San Carlos City at isang high value target.
Nakatakas naman si William Allones alyas Bebe na isang ring high value target.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Mark Angelo Junco, hepe ng San Carlos City Police Station, may natanggap silang report nitong Setyembre 20 na may buy bust operation na isinagawa sa bayan ng Sibulan, Negros Oriental, kung saan namatay si Joemarie Yongco, 26 anyos, matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang kilong shabu na nagkakahalaga ng P13.8 million.
Setyembre 20 ng hapon, nakatanggap din sila ng report na may pitong kilong shabu na naharang sa Cebu City at sinasabing mula sa San Carlos City.
Ayon sa hepe, “very alarming” ang sitwasyon kaya nagpatawag ito ng pulong sa kanyang mga tauhan upang berepikahin ang balita hanggang nagtagumpay ang buy bust operation sa tulong ng RID at PDEA 6, alas-2:45 kahapon.
Ang at-large o pinaghahanap na si Allones ay kasintahan ng namatay na si Yongco.
Nakuha ng mga otoridad ang 2.050 kilograms ng shabu kabilang na ang buy bust item at P200,000 na buy bust money.
Ayon kay Junco, ang nakumpiskang iligal na droga ay nagkakahalaga ng P13,940,000.