Posibleng sa darating na Martes, Mayo 21, pa maisasagawa ng Comelec ang proklamasyon ng mga nanalong party-list groups at senatorial candidates sa 2019 midterm elections.
Sinabi ito ni Comelec Information and Education Department Director Frances Arabe nitong araw habang hinihintay pang pumasok ang lahat ng natitirang certificate of canvass (COCs) mula sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay Arabe, nagdesisyon ang Comelec en banc na antayin na umabot sa 100 percent ang transmitted na COCs bago i-proklama ang mga nanalong party-list groups at kandidato sa senatorial race.
Sa ngayon, 96.41 percent pa lamang ng mga COCs ang na-canvass mula sa kabuuang bilang ng mga boto.
Hinihintay pa raw nilang pumasok ang 2,324,838 na mga boto mula sa US, Japan, Saudi Arabia, Isabela, at Zamboanga del Sur.
Isinisi naman ng Comelec ang delay sa ilang overseas votes sa mga na-corrupt na SD cards.
Samantala, hinihintay pa ng poll body ang confirmation kung makakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa proclamation ng mga nanalo.
Iginiit din ni Arabe na isang araw na lamang idaraos ang proclamation.
Ang target daw nilang schedule ay isagawa ang proclamation sa mga nanalong party-list groups sa umaga at sa hapon naman ang mga nanalo sa pagka-senador.