-- Advertisements --

Nananatili umanong nasa “dark ages” ang mahigit 10% ng mga estudyante sa Pilipinas dahil maraming komunidad ang walang kuryente kaya hindi nakakalahok sa distance learning.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, kumakatawan ito sa mahigit 2.25 milyong mag-aaral ng Department of Education (DepEd) na kanyang kinuwestiyon sa deliberasyon ng 2021 badyet ng ahensiya at Department of Energy (DOE).

Itinanong ni Recto na kung ilang household ang walang elektrisidad, kaya tumugon si Sen. Sherwin Gatchalian, nag-isponsor ng badyet ng DOE, na “2.3 milyong households.”

Ayon kay Recto, 10% ito ng ating populasyon at pangkaraniwan, malalaking pamilya ito na maraming anak.

Ipinaliwanag ni Recto na maaaring gamitin ang ratio sa school enrolment na ligtas sabihin na 10 porsiyentong ng mga DepEd enrollees ay mula sa tahanan na walang kuryente o enerhiya.

Ngunit ipinakikita din aniya ng datos ng DepEd na hindi lamang mag-aaral ang may problema sa elektrisidad sa kanilang tahanan kung mga paaralan din na makikita sapagkilos ng ahensiya na magkaroon ng koneksiyon sa 449 “Last Mile Schools” sa malalayong lugar sa power grid.

Base sa DepEd, kailangan nila ang P3.85 bilyon upang lagyan ng kuryente ang mga paaralan na ito.

Habang kailangan naman ng DOE ng P25-bilyon upang mabura ang 2.3 milyong backlog sa bahay ng walang kuryente.