BACOLOD CITY – Kaagad na sinuspinde ang klase sa Father Gratian Murray Integrated School sa Barangay Granada, Bacolod City, makaraang saniban umano ng masamang espiritu ang mga estudyante simula kahapon hanggang kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa ilang estudyante, 11 babaeng mag-aaral ang sumama ang pakiramdam kahapon ng hapon.
Kaninang umaga naman nang magho-Holy Rosary sana ang mga mag-aaral sa Grade 8 bago magsimula ang klase ngunit hindi natuloy dahil isang kaklase ng mga ito ang nagwala, sumigaw at nagsasalita na hindi siya naniniwala sa Diyos.
Unti-unting dumami ang mga umano’y sinaniban at umabot sa 10.
Ang apektadong mga estudyante ay mula sa Grade 8 at Grade 9.
Kaagad namang pumunta sa paaralan ang mga magulang ng mga estudyante upang sunduin ang kanilang anak.
Rumesponde rin ang rescue teams sa Bacolod at dinala sa pagamutan ang mga mag-aaral.