BAGUIO CITY – Arestado ang 21 na indibiduwal sa Baguio City dahil sa paglabag ng mga ito sa home quarantine at 24-hour curfew na ipinapatupad kasabay ng nagpapatuloy na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay Baguio City Police Office (BCPO) director PCol. Allen Rae Co, nitong Biyernes ng gabi ay pitong katao ang hinuli ng mga ito dahil napatunayan na hindi mabigat ang dahilan ng mga ito kung bakit nasa labas ang mga ito sa kabila ng mahigpit na mandatong dapat nasa loob lamang ng bahay ang mga ito.
Dinagdag niya na karagdagang 14 na indibiduwal ang nahuli nitong maghapon ng Sabado dahil sa kawalan din ng balidong dahilan ng paglabas sa kanilang mga bahay.
Dahil dito, muling ipinapaalala ni Co na epektibo sa Baguio City ang 24-hour curfew, partikular mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga kung saan bawal na ang presensya ng mga tao sa mga kalsada.
Sinabi pa niya na mas hihigpitan pa ng mga ito ang pagsuri sa dahilan ng mga maaaktuhan nila sa labas sa kasagsagan ng curfew hours.
Ibinabala niya sa mga lalabag sa mga protocol na huhuliin ng mga pulis ang mga ito, kasama na ang mga maaaktuhang nag-iinuman sa labas ng bahay.
Samantala, ibinabala ni Mayor Benjamin Magalong ang pag-lockdown nito sa isang barangay sa Baguio dahil sa kakulangan ng disiplina ng mga residente at sa hindi pagsunod ng mga ito sa mga probisyon ng Enhanced Community Quarantine.
Binigyan niya ng hanggang Sabado na palugit ang mga residente ng Barangay Pinget para ipasiguro ang pagsunod ng mga ito sa mga ipinapatupad na protocols.