CAUAYAN CITY – Nasa 24 na kabataan sa Isabela ang lalahok sa 8th Asia Pacific Youth Basketball Cup sa Singapore sa darating na October 21 hanggang 27, 2019.
Dalawang koponan na binubuo ng 12 player sa bawat team ang lalahok sa Under15 at Under 17.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mr. Roy Agtonton, head coach ng Team Naspi, na sila ang kakatawan sa Pilipinas sa nasabing international event.
Ang 24 players mula sa mga bayan ng Jones, Aurora at Santiago City ay sumasailalim sa mahigpit na pagsasanay dahil tiyak na magagaling ang kanilang mga makakalaban.
Ang 8th Asia Pacific Youth Basketball Cup ay dadaluhan ng mga bansa sa Asya na kinabibilangan ng Pilipinas, Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia, China, Hong Kong at Taiwan, bukod pa sa Estados Unidos, Australia at Dubai.
Kaugnay nito, nanawagan si head coach Agtonton sa mga nais tumulong sa mga kabataang player para magkaroon sila ng sapat na pondo dahil nakadepende sila sa kanilang mga kakilala.
Wala silang mga sponsors para matustusan ang iba pang mga kakailanganin sa kompetisyon.