VIGAN CITY – Aabot sa 24 tauhan ng Santiago Police Station sa Ilocos Sur ang sumailalim sa 14-day quarantine matapos nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID) ang pitong kasapi nito.
Dahil diyan, na-assign ang 13 police personnel mula sa kalapit na himpilan upang temporaryong manungkulan sa pangunguna ni Pol. Lt. Medel Prinion na nananatili sa Agriculture Department sa bayan ng Santiago.
Isinasagawa pa kasi ang disinfection sa nasabing apektadong istasyon ng Philippine National Police (PNP).
Hiling ni Prinion ang pakikipagtulungan ng mga residente sa pamamagitan ng hindi paggawa ng anumang ikakabahala ng lahat dahil na rin sa kakulangan ng response team ng PNP.
Sa ngayon, hinihintay nila ang utos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Rural Health Unit kung kailan makakabalik sa operasyon ang naturang police station.