KORONADAL CITY – Umabot sa mahigit 20 pamilya ang naging apektado ng baha sa bayan ng Sto. Nino, South Cotabato matapos na masira ang dike dulot ng magdamag na pagbuhos ng malakas na ulan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay MDRRMO Bobet Fale, nasa dalawampu’t apat (24) pamilya ang naapektuhan ng pagbaha kung saan lumikas din ang ilan sa mga ito.
Napag-alaman na umapaw ang tubig sa dike matapos na masira dulot ng ilang araw na ring pagbuhos ng ulan sa lalawigan dala ng Low Pressure Area (LPA).
Dagdag pa ni Fale, umabot din ang baha sa boundary ng Sto. Nino at Sultan Kudarat province.
Agad naman na namigay ng ayuda o tulong ang LGU-Sto. Nino sa mga apektadong pamilya.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operation sa mga lugar na naging apektado ng baha.