Nasa 22 katao ang binawian ng buhay habang mahigit 50 ang sugatan matapos ang nangyaring malaking pagsabog sa paliparan sa siyudad ng Aden sa Yemen.
Ito ay naganap ilang saglit lamang matapos lumapag ang eroplanong lulan ang mga opisyal ng bagong tatag na gobyerno ng bansa.
Ilang oras matapos ang pag-atake, nag-ulat ang mga opisyal ng ikalawang pagsabog sa paligid ng Maasheq presidential palace sa Aden kung saan dinala ang mga miyembro ng gabinete kasama na si Prime Minister Maeen Abdulmalik at ang Saudi ambassador to Yemen.
Sa nangyaring pag-atake sa airport, narinig ng mga saksi ang malakas na mga pagsabog at tunog ng mga baril matapos dumating ang eroplano galing Riyadh.
Sinasabing tatlong mortar shell ang tumama sa hall ng airport.
Wala pang umaako ng responsibilidad sa kasalukuyan.
Hindi rin malinaw sa ngayon kung ano ang sanhi ng ikalawang pagsabog. (Reuters/ BBC)