(Update) Umabot sa nasa 22 katao ang patay sa pananalasa ng malalakas na mga buhawi sa Tennessee sa Estados Unidos nitong mga nakalipas na araw.
Sinira rin ng nasabing mga buhawi ang maraming mga kabahayan at mga gusali sa ilang mga county, at pinutol din ang suplay ng kuryente.
Ayon kay Nashville City Fire Chief William Swann, sa kanilang lugar ay napinsala ang dose-dosenang mga gusali, at mahigit sa 150 katao ang dinala na sa mga ospital dahil sa sakuna.
Napinsala rin ng buhawi ang apat na substation ng Nashville Electric, rason para mawalan ng suplay ng kuryente ang mahigit sa 44,000 konsyumer.
Tiniyak naman ni Tennessee Gov. Bill Lee, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga apektado nilang mamamayan.
Maliban dito, sarado na rin ang mga paaralan, korte, at transit lines, habang ang ilang mga polling stations ay inilipat ilang oras bago ang umpisa ang Super Tuesday primary voting.
Kaugnay niyan, naantala ng isang oras ang botohan sa Davidson at Wilson counties dahil sa nararanasang power outages dulot ng masungit na panahon. (CNN/ Al Jazeera)