-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan na ni Iraq Prime Minister Mustafa al-Kadhimi ang pagkasunog ng ospital sa kabisera na Baghdad nitong Sabado ng gabi, o madaling araw na ng Linggo (Manila time).

Para sa prime minister ng nasabing bansa, “tragic accident” ang nangyari kung saan tinatayang 23 katao ang nasawi, habang marami rin ang nagtamo ng injury.

Nabatid pa na karamihan sa mga naka-confine sa Ibn Khatib hospital ay mga pasyenteng tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID).

Matagumpay namang na-rescue ang nasa 90 mula sa 120 pasyente at bantay ng mga ito, base sa emergency crew na tumangging magpakilala.

May mga impormasyon na isang aksidente muna ang naganap sa intensive care unit na nauwi sa pagsabog ng oxygen tank, hanggang sa tuluyang magdulot ng sunog.

Samantala, sa bagong tala ng health ministry sa Iraq, mayroong 1,025,288 COVID cases sa kanilang bansa at 15,217 ang mga namatay mula nang sumiklab ang pandemya.

Sa kasalukuyan ay nailunsad na rin ang COVID vaccine sa Iraq kung saan 650,000 doses ang kanilang natanggap mula sa Covax. (BBC)