ILOILO CITY – Sumumpa na sa kanilang opisyal na pagtiwalag sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasa 259 na mga rebelde at kanilang mga tagasuporta mula sa Calinog, Iloilo at Tapaz, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCol. Gilbert Gorero, director ng Iloilo Provincial Police Office, sinabi nito na isinagawa ang nasabing peace activity sa pangunguna ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Ayon kay Gorero, ito ay bunga ng mas pinaigting na anti-insurgency operations at community relations activities ng pulis at militar.
Samantala, nakatanggap ng grocery packs at health kits mula sa Police Regional Office-6 ang mga dating rebelde at supporters.
Napag-alaman na ang mga ito ay kabilang sa mga boluntaryong sumuko sa otoridad kasunod ng pagsilbi ng search warrants sa nasabing mga lugar noong Disyembre 30, 2020 kung saan siyam ang namatay matapos na nanlaban umano sa mga otoridad.