LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa pinangangambahang epekto ng bagyong Ambo sa Bicol region.
Kabilang sa mga nagpahayag ng kahandaang rumisponde sa anumang insidente ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Una nang inihayag ng ahensya na naka-preposition na sa buong rehiyon ang 245 equipment para sa anumang hindi inaasahang pangyayari na dala ng naturang sama ng panahon na una nang nag-landfall sa lalawigan ng Samar.
Nakaalerto na rin aniya ang mga District Disaster Risk Reduction Management Teams para sa pagresponde subalit sinigurong susundin pa rin ang Covid-19 protocols kahit pa sa pagresponde sa mga emergencies.
Samantala, ramdam na sa ilang island municipalities ang bugso ng hangin na dulot ng bagyong Ambo.