TUGUEGARAO CITY – Sumugod sa Police Regional Office (PRO)-2 ang mahigit 200 Muslim upang igiit na inosente ang dalawang Imam na naaresto sa buy bust operation sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Iginiit ni Atty. Esnawi Makalipao, legal counsel ng mga inarestong Imam na sina Habib Dotongcopun, Noraldin Lucman at miyembrong si Mossanip Madaya na hindi sila sangkot sa iligal na droga.
Nanawagan ang grupo kay PRO-2 Director, P/BGen. Jose Mario Espino ng tama at patas na imbestigasyon sa kanilang kasamahan na nakaumpiskahan umano ng anim na piraso ng hinihinalang shabu noong Biyernes.
Pagtitiyak naman ni Espino sa grupo na agad palalayain ang mga ito kung mapapatunayang walang kasalanan at papanagutin ang mga pulis kung gawa-gawa lamang ang operasyon.
Una na ring ipinag-utos ng National Commission on Muslim Filipinos sa kanilang legal team ng pagsasampa ng kaukulanag reklamo sa Ombudsman laban sa ilegal na pag-aresto sa dalawang lider at isang miyembro ng kanilang simbahan.