-- Advertisements --

DAVAO CITY – Aabot sa higit 200 na mga bahay ang tinupok ng apoy matapos ang nangyaring sunog na nagsimula pasado alas tres ng hapon sa Zone 3 Purok San Jose R. Castillo Agdao nitong lungsod.

Halos higit dalawang oras na inaapula ng mga kabomberohan ang nangyaring sunog kung saan mabilis ang pagkalat ng apoy dahil karamihan sa mga bahay sa nasabing lugar ay gawa lamang sa mga light materials.

Ilan sa mga residente ay wala ng nadala sa kanilang mga kagamitan dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.

Sinasabing nahihirapan ang mga bombero dahil maliban sa masikip ang lugar, malakas rin ang hangin dahil nasa tabi lamang ng dagat ang nasabing mga bahay.

Apektado na rin ang katabing barangay matapos na tumawid na rin ang apoy.

Patuloy ngayon na inimbestigahan ng otoridad kung ano ang dahilan ng sunog at ang naitalang danyos.

Una ng nagpaalala si SFO4 Ramil Gillado, chief investigator ng BFP-11 na kailangan maging alerto lalo na ngayong fire prevention month.