BAGUIO CITY – Bumubuti na ang kondisyon ng panahon sa lalawigan ng Apayao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Apayao Provincial Administrator Atty. Ma. Elena Teresa Ravelo, sinabi niya na nakakaranas na lamang ang lalawigan ng pag-ambon ngunit nakakaranas ang bayan ng Conner doon ng malakas na pagbaha.
Aniya, nabawasan na ang bilang ng mga evacuees sa mga evacuation cneters ng Apayao na aabot na lamang ng higit 360 pamilya.
Umuwi na aniya ang mga lumikas na pamilya sa tahanan ng mga ito o kaya ay sa bahay ng kanilang mga kamag-anak.
Dinagdag niya na marami at sapat ang mga relief goods na naibigay sa kanila at inaasahan nilang madaragdagan pa ito mula sa ibang mga grupo at lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Ravelo na higit sa 200 pamilya o higit 1,000 indibidual sa Conner ang apektado dahil sa pananalasa ng TY Ramon.
Aniya, lumikas ang mga ito sa mga paaralan at gym doon kung saan nabigyan na ang mga ito ng relief goods.
Natagpuan na rin aniya ang bangkay ni Jesmar Bandong, 40-anyos, magsasaka mula Daga, Conner matapos itong tangayin ng malakas na ayos ng tubig sa kanyang pagtawid sa Umnay Creek patungo ng kanyang sakahan sa kasagsagan ng pananalasa ng TY Ramon.