BUTUAN CITY – Umabot sa 220 mga pamilya mula sa Barangay Binucayan, sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur ang lumikas dahil sa takot na madamay sa sunod-sunod na bakbakan sa pagitan ng pwersa ng militar at grupo ng New Peoples’ Army (NPA).
Ayon kay 1Lt Amadeuz Celestial, civil military operations (CMO) officer ng 60th Infantry Battalion, Philippine Army, unang narekober ng operating team ang bangkay ng hindi pa nakikilalang rebelde sa bukiring bahagi ng Sitio Union ng nasabing barangay matapos ang dalawang oras na engkwentro.
Narekober sa encounter site ang isang M16 armalite rifle, 15 kilong improvised explosive device at mga subersibong dokumento.
Habang sa inilunsad namang pursuit operation ng militar kinahapunan ay isa pang rebelde ang patay at narekober din ang tig-isang M16 armalite rifle, rifle grenade, mga ammunition at detonating cord.
Kaagad na inatasan ni Loreto Mayor Lorife Magadan-Otaza ang kanilang emergency response team na alamin ang pangangailangan ng mga na-displace na mga residente.