-- Advertisements --

CEBU CITY – Palalakasin pa ng Police Regional Office (PRO)-7 ang kampanya nito laban sa paggamit ng e-cigarettes o vapes sa mga pampublikong lugar.

Ito’y matapos na ipinakita sa pamunuan ng PRO-7 ang 230 na vaping devices kasunod ng 118th Police Service Anniversary ng PNP kahapon.

Nangunguna sa listahan ang Cebu City-Philippine National Police (PNP) kung saan nakumpiska nila ang 95 vaping devices.

Pangalawa ang Cebu Provincial Police Office kung saan nasabat nila ang 74 na e-cigarettes, 30 vaping devices naman mula sa Lapu-Lapu City-PNP, 20 e-cigarettes mula sa Bohol Provincial Police Office, pito mula sa Mandaue City-PNP, at apat na vaping devices ang mula sa Negros Oriental Provincial Police Office.

Mensahe naman ni PRO-7 Director Brigadier General Valeriano De Leon sa publiko na iwasan ang paggamit ng vape dahil delikado aniya ito sa kalusugan ng tao.

Sa ngayon, hinihintay pa ni De Leon ang utos mula sa PNP Headquarters tungkol sa mga susunod na hakbang matapos makumpiska ang daan-daang vaping devices.