-- Advertisements --

Inaresto ng mga pulis sa Russia ang mahigit sa 2,000 katao dahil sa mga kilos-protesta na nagpapakita ng suporta sa nakakulong na opposition leader na si Alexei Navalny.

Hindi inalintana ng libu-libong katao ang napakaigting na presensya ng pulisya upang lumahok sa ilan sa mga pinakamalalaking rally kontra kay President Vladimir Putin sa loob ng ilang taon.

Sa Moscow, namataang hinahampas at kinakaladkad umano ng mga riot police ang mga raliyista.

Una rito, nanawagan si Navalny ng protesta makaraan itong dakpin noong nakalipas na linggo.

Agad itong ipiniit matapos itong bumalik sa Moscow galing Berlin, kung saan ito nagpagaling mula sa nakamamatay na negve agent attack sa Russia noong Agosto.

Sa kanyang pagbabalik, agad itong ikinustodiya ay hinatulang guilty sa salang paglabag sa mga kondisyon ng kanyang parole.

Giit naman ni Navalny, gawa-gawa lamang daw ang kaso upang patahimikin ito.

Ayon sa independent NGO na OVD Info, nasa 2,800 katao ang dinakip kung saan mahigit 1,000 rito ay naitala sa Moscow.

Sa ngayon wala pang tugon ang Kremlin tungkol dito. (BBC)