Natupok ng nagngangalit na apoy ang mahigit 2,000 kabahayan sa Isla Puting Bato sa Tondo Maynila pasado 8:02am ng umaga ngayong araw kung saan umabot ito hanggang ika-5 alarma at umabot din sa Task Force Charlie.
Sa naging eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Ground Commander at FSInps. Alejandro Ramos, nawalan ng tirahan ang mahigit 1,000 pamilya mula Purok Uno, Dos at Tres na siyang nilamon ng apoy.
Samantala sa on-scene report mula sa Bureau of Fire Protection, nagumpisa umano ang sunog sa pangalawang palapag na bahay ng Pamilya Ingal sa Purok Tres.
Nananatili namang under investigation ang sanhi ng apoy sa naturang lugar habang idineklara nang fire under control ang sunog pasado 2:07pm ng hapon.
Samantala, tinataya namang nasa mahigit P3,500,000 naman ang kabuuang halaga ng naiwang danyos ng sunog sa mga residente.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang mga otoridad sa pagberipika ng sanhi ng sunog habang ang mga pamilyang nailikas ay mananatili muna sa mga evacuation centers.
Nagpaalala naman ng pamunuan ng BFP sa publiko, na maging aktibo at mapagmasid sa mga maaaring pagmulan ng sunog.