Nagpaabot ng tulong pinansyal ang DSWD sa higit 2,000 na mga pamilyang tinamaan ng kalamidad sa Davao Oriental.
Kabilang na rito ang mga pamilyang naapektuhan ng trough ng low pressure area at northeast monsoon nitong mga nakalipas na buwan.
Batay sa datos ng ahensya , tinatayang aabot sa 2,000 pamilya mula sa bayan ng Tarragona sa Davao Oriental ang kabilang sa unang tranche na nakatanggap ng cash assistance mula sa DSWD Field Office 11.
Sa ilalim pa rin ito ng emergency cash transfer program ng DSWD.
Ang bawat isang pamilyang benepisyaryo sa naturang programa ay tumanggap ng tig-P9,960.
Pumalo na rin sa P19-M ang kabuuang halaga ng naipaabot ng DSWD sa unang bugso pa lamang ng cash aid distribution sa naturang lalawigan.
Inaasahan naman makakatanggap ng cash aid sa mga susunod na payout ang higit 75,695 na apektadong pamilya mula sa mga munisipalidad ng Baganga, Banaybanay, Boston, Caraga, Cateel, Governor Generoso, Lupon, Manay, Mati, at San Isidro.