Aabot na sa mahigit 21,000 downgraded visa ng mga foreign POGO workers sa bansa ang naproseso ng Bureau of Immigration.
Ayon sa ahensya, naitala ang bilang na ito simula ng ipinag-utos ang pagbabawal sa lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Katumbas ito ng 21,757 foreign POGO workers na kung saan 10,821 dito ang nakaalis na ng bansa.
Ginawa ng ahensya ang naturang pahayag sa paharap nito sa pagdinig ng House Games and Amusement Committee sa panukalang batas para pagbawalan ang operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Kung maaalala, natapos na ang October 15 na palugit para i-downgrade ang kanilang 9G visas patungo sa tourist visas bilang pagtalima sa kautusan ng gobyerno.
Aabot naman sa mahigit 12,000 ang nagsumite ng aplikasyon para sa nasabing kautusan noong nakalipas na buwan.
Hulyo ng taong ito ng ipag-utos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa operasyon ng POGO sa bansa dahil na rin sa mga ilegal na usaping kinasasangkutan nito.