-- Advertisements --
Provincial bus 1

Pinatitiyak ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus operators na wala dapat dagdag pasahe sa mga bus units na papayagan nang bumiyahe patungo sa mga probinsiya.

Kasunod na rin  ito ng pagpayag ng LTFRB na bumiyahe na ang 221 bus units sa Region 6 o Western Visayas partikuluar sa Iloilo, Aklan at Capiz.

Good news naman ito para sa mga stranded pa rin sa Luzon at gustong magbakasyon ngayong papalapit na ang holiday season.

Ang pitong binuksang ruta ay magmumula lahat sa Sta. Rosa Integrated Terminal sa Laguna at bibiyahe ang mga bus patungong Kalibo at Malay sa Aklan, San Jose sa Antique, Roxas City, Estancia, Miag-ao at Iloilo City sa Iloilo at vice-versa.

Kasunod nito, muli namang nagpaalala ang LTFRB sa mga mananakay at bus companies na mahigpit na ipatupad ang health protocols kabilang na ang sinasabing “seven commandments” sa pagbiyahe.

Kabilang dito ang:

1. Laging pagsusuot ng face mask at face shield

2. Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono

3. Bawal kumain

4. Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga sasakyan

5. Laging magsagawa ng disinfection

6. Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pampublikong transportasyon

7. Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing (“one-seat apart” rule).