Umakyat na sa mahigit 24,508 na indibidwal o nasa 5,458 pamilya ang nailikas ngayon sa Batangas bunsod ng pagsabog ng bulkang Taal.
Ito ay base sa inilabas na situationer report ngayong hapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa nasabing bilang mahigit 7,000 o katumbas ng 966 na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa 75 evacuation Centers sa mga bayan ng Lian, Alitagtag, San. Nicolas at Sto. Tomas.
Wala namang kuryente ang nasa pitong bayan ng Lipa, Tanauan, Lemery at Laurel sa Batangas gayundin sa bayan ng Amadeo, Tagaytay City at Cavite.
Samantala, nanawagan naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga residenteng apektado ng pag aalburuto ng bulkan na huwag nang matigas ang ulo at sundin na ang abiso ng mga kinauukulan hinggil sa gagawing paglilikas.
Binigyang-diin ng kalihim na may mga lugar ng idiniklarang danger zones.
Ang mga lugar nasa within 14 kilometer radius ay safe na mga lugar at dito matatagpuan ang 75 evacuation centers.
Tiniyak naman ni Lorenzana na may sapat na family food packs para sa mga evacuees.
Naka preposition sa mga warehouses ang mga naka standby na relief items.
Naniniwala naman ang kalihim na kaya pa ng gobyerno ang mamahagi ng mga relief goods at hindi pa kailangan ng foreign aid.
Pero giit ng kalihim na bukas naman ang gobyerno kung sinong mga bansa ang nais na mamigay ng ayuda.