Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa 25,904 na pamilya na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong bansa ang nagtapos na sa programa sa unang quarter ng taon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, karamihan sa mga pamilya ay nakamit na ang status na “self-sufficiency”, habang ang iba ay nagboluntaryong umalis sa naturang programa.
Ani Dumlao, inendorso ng DSWD ang mga “graduate” sa kani-kanilang local government units para sa karagdagang interbensyon.
Layon nitong mapanatili ang kanilang level of well-being o para sa aftercare monitoring.
Tiniyak rin ni Dumlao na nananatiling nakatuon ang DSWD sa pagsuporta sa mga nagtapos sa 4Ps habang nagpapatuloy sila sa kanilang paglalakbay tungo sa greater economic independence.
Batay sa datos ng ahensya, mayroong hindi bababa sa apat na milyong household beneficiaries ng 4Ps na siyang flagship program ng gobyerno para sa poverty alleviation.
Ito ay naglalayong mapaunlad ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon, nutrisyon, at kalusugan ng mga bata.
Sa pagtatapos ng mahigit 25,000 pamilya, ang katulad na bilang ng mahihirap na sambahayan na nasa waiting list ay maaari nang ma-accommodate sa programa.