Umaabot na sa mahigit 2,624 police dependents ang naturukan ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccine.
Ito’y mula nang umpisahan ang vaccine rollout ng PNP (Philippine National Police) nitong November 1.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support for COVID-19 Task Force Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi na batay sa datos ng Health Service mula November 4 hanggang 17, ay nasa 2,253 adult dependents ang nabakuhanan ng Janssen.
Sa kanilang pediatric vaccination, nasa 371 kabataan na may edad 12 hanggang 17-anyos ang nabakunahan, habang 798 naman sa household members ng PNP personnel.
“Yes Anne. 371 for 12-17 years old dependents and 2,253 for adult dependents,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sinimulan ng PNP ang pagbabakuna sa kanilang dependents matapos na umabot sa 99 percent sa mga police personnel ang nabakunahan.
Bukod sa mga dependent, sinama rin sa pagbabakuna ang ilang household members ng mga pulis.
Ang nasabing datos ay kokompletuhin pa dahil nagpapatuloy pa ang kanilang vaccination rollout sa kanilang mga dependent.
“Partial ito Anne at may Moderna pa na-released to Regional Medical Dental Units (RMDUs) na wala pa report,” dagdag na mensahe ni Vera Cruz.
Una nang sinabi ni Lt. Gen. Vera Cruz na ang pagbabakuna sa kanilang mga dependent ay nakatutok muna sa National Capital Region at Luzon regional police offices.
Sa panig naman ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, kaniyang sinabi na ongoing ang bakuna para sa PNP dependents.
Giit ni Carlos na kanilang bibigyang prayoridad na mabigyan ng booster shots ang kanilang mga medical frontliner.
Kanila namang isusunod na bigyan ng booster shot ang mga pulis na nakadeploy sa mga Quarantine Control Points na nasa mga lansangan.
“Masiguro muna natin na ‘yung mga kababayan natin ay nauna na,” pahayag ni Gen. Carlos.