Higit 27,000 police personnel mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang idi-deploy para magbigay seguridad sa pista ng Itim na Nazareno sa Sabado, January 9, 2021.
Ayon kay NCRPO chief B/Gen. Vicente Danao, ang Manila Police District ay magpapakalat ng 7,000 police officers at nasa 20,000 naman mula sa iba’t ibang police districts ng NCRPO kasama na rito ang mga personnel ng Regional Mobile Force Battalion at PNP Special Action Force.
Sinabi ni Danao, magsisimula ang kanilang deployment ng Biyernes o bukas, isang araw bago ang pista.
Aminado ang heneral na isa sa malaking hamon ay ang implementasyon ng minimum health standards dahil sa COVID-19 pandemic.
“Since the health standard protocols have been implemented for almost a year, I solicit the cooperation of the church goers to implement self-imposed discipline like wearing face mask, face shield and observance of social distancing at all times,” wika pa ni Gen. Danao.
Noong Martes, nagsagawa ng inspection si Danao sa mga simbahan na pagdarausan ng misa.
Bukod kasi sa Quiapo Church, magkakaroon din ng misa sa Sta Cruz church, San Sebastian Church at Nazarene Catholic School.
Naglabas din ng advisory ang NCRPO tungkol sa mga pinagbabawal at mga paalala sa mga dadalo sa misa para sa kapistahan ng itim na Nazareno:
•Bawal ang walang suot na face mask at face shield;
•Mahigpit na ipatutupad ang physical distancing;
•Bawal ang mga batang may edad na 15 at pababa at may mga edad 65 pataas;
•Bawal magdala ng (bagpack) at anumang uri ng matutulis na bagay;
• Bawal magdala ng hindi transparent na lagayan ng inumin;
• Bawal ang walang suot na panyapak;
•Iwasan pong magsuot o magdala ng mamahaling alahas o gamit na makaka enganyo sa mga magnanakaw;
•Bawal ang pagpapalipad ng DRONE na walang pahintulot mula sa anila Police District;
•Bawal ang paggamit ng paputok o pailaw na maaaring makadisgrasya sa mga deboto;
•Pinapayuhan po ang lahat na huwag pong dadalo sa celebrasyon kung ikaw ay nakainom o nasa impluwensya ng alak;
•Ipinagbabawal po na magbitbit ng iba’t ibang imahen ng Santo sa loob ng simbahan at paligid nito;
▪Kung merong nakikitang kahina hinalang tao na umaaligid o kahina hinalang abandonadong bag, motor at sasakyan, agad na ireport sa Manila Police District Hotline: Globe: 09178992092 Smart: 09199950976 Landline: 8523-3378