-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakahanda na ang mahigit dalawang libong mga volunteers ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa region 12 para sa isasagawang midterm election sa lunes.

Ito ang sinigurado ni Fr. Ariel Destora, PPCRV coordinator ng Diocese of Marbel at Director ng Social Action Center sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Fr. Destora ang mga volunteers ay magmumula sa 28 parokya mula sa probinsiya ng South Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat.

Hindi niya rin umano inaasahan na maraming kabataan ang nagpahayag ng interes na magsilbi sa darating na halalan sa halos dalawang libong clustered precincts sa 512 na polling centers sa nabanggit na mga probinsiya.

Bilang bahagi ng akreditasyon ng PPCRV na maging citizen’s arm ng Commission on Elections (Comelec), maglalagay ng mga voter’s assistance desk ang mga ito sa mga polling centers.

Sinigurado rin ni Destora na may kopya sila ng voters list upang ma-assist ang mga botante sa Lunes.

Umaasa umano ang PPCRV na sa kanilang tulong ay masisiguro ang clean, honest at credible election sa Mayo 13.

Samantala, ipinagdiinan nito na hindi dinidiktahan ng simbahan ang mga katolikong botante kundi binibigyan lamang umano ng gabay sa tamang pagboto.