Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng aabot sa 3,202 insidente ng sunog mula Enero 1 hanggang Marso 3 ngayong taon.
Ito ay mas mataas kumpara sa 2,556 na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay BFP spokeswoman Senior Supt. Annalee Carbajal Atienza na ang Metro Manila, Central Visayas at Calabarzon ang nangungunang tatlong rehiyon sa usapin ng mga insidente ng sunog ngayong taon.
Sinabi pa ng opisyal na aabot sa 1,351 ng sunog ay naganap sa mga residential areas.
Batay sa datos ng BFP, pumalo na sa 70 individual ang nasawi habang 214 naman ang nasugatan dahil sa mga kaso ng sunog na naitala ngayong taon.
Mas mataas ito kumpara sa naitalang 45 na nasawi at 177 na nasugatan sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Karamihan aniya sa mga biktima ng sunog ay pawang mga senior citizen at mga bata
Kasabay ng pag-obserba ng Fire Prevention Month sa Pilipinas ngayong taon, sinabi ni Atienza na ang pangunahing sanhi o pinagmumulan ng sunog ay ang sinindihang sigarilyo o upos nito.
Sinundan ito ng open flame mula sa pagluluto at maging ang electrical ignition.
Hinikayat ni Atienza ang mga naninigarilyo na maging maingat sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo, lalo na sa pagtiyak na hindi na sinindihan ang mga upos bago ito itapon.
Dagdag pa nito na ang mga naninigarilyo ay dapat ring manigarilyo lamang sa mga itinalagang lugar.
Dapat din na huwag iwanang walang tao o bantay ang mga kalan tuwing sila ay magluluto upang maiwasan ang insidente ng sunog na maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay ay pagkaabo ng mga ari-arian.