Aabot sa mahigit 3.5 milyong mag-aaral ang apektado ngayon ng pagsuspinde ng face-to-face classes dahil sa biglaang pagbuga ng sulfur dioxide gas ng bulkang Taal ngayong linggo.
Nagmula ang bilang ng mga estudyanteng ito sa Calabarzon, National Capital Region at Mimaropa batay sa datos ng DepEd.
Ang datos na ibinahagi ng ahensya ay katumbas ng 2, 685 na paaralan mula sa 21 school divisions sa Calabarzon ang nagsuspinde ng in-person learning mula noong Agosto 19.
Simula kahapon, ang 21 paaralan ay hindi pa nakakabalik sa face-to-face classes.
Sa Metro Manila, 254 na paaralan mula sa limang dibisyon na may 730,336 na mga mag-aaral ang nagsuspinde sa in-person learning noong Agosto 19.
Ayon sa DepEd, ipinagpatuloy nito ang regular na klase sa sumunod na araw.
Sa Mimaropa, 28 paaralan na may 5,922 na mag-aaral ang nagsuspinde rin ng face to face classes noong Agosto 19 at kahapon lang ipinagpatuloy muli ang mga klase.
Sa kabuuan, lumabas sa datos na 2,967 na paaralan mula sa 27 dibisyon sa tatlong rehiyon ang naapektuhan ng suspensyon na kinabibilangan ng 3,586,353 mag-aaral.
Noong nakaraang Lunes, pinahintulutan ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mga apektadong paaralan sa Calabarzon at NCR na suspindihin ang mga personal na klase sa kawalan ng opisyal na anunsyo mula sa mga local government units.