-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit 3,105 na indibidwal ang lumabag sa ipinapatupad na gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) nationwide.

Ito ay batay sa ikinasang 350,663 checkpoint operations sa buong bansa.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Bernard Banac, sa nasabing bilang ay 32 ang kanilang mga tuhana, mahigit 2,924 ang sibilyan, limang sundalo, 44 na government elected officials, at ang iba ay mga private security guards.

Ang mga nahuling elected officials ay kinabibilangan ng barangay chaiman, barangay kagawad at miyembro ng Sangguniang Kabataan.

May naaresto rin ang mga otoridad na tatlong banyaga na lumabag sa gun ban.

Samantala, nasa 2,603 firearms ang nakumpiska at 22,930 rito ay mga deadly weapons.

Sa kabilang dako, inaasahan ng PNP na mapayapa ang local campaign period na magsisimula sa darating na March 29.

Kaugnay nito, umaapela ang PNP sa mga supporters ng mga kandidato na maging mahinahon.

Binigyang-diin naman ni Banac sa mga opisyal na may natatangap na banta sa buhay na agad itong isangguni sa mga pulis.

Huwag din aniyang ipilit dalhin ang mga armas lalo na kapag expired na ang lisensiya

Nabatid na suspendido sa ngayon ang lahat ng renewal ng lisensiya maging ang Permit to Carry Firearms Outside Residence.

Umapela rin si Banac sa mga gun owners na expired ang mga lisensiya na ilagak muna sa mga pinakamalapit na police stations ang mga armas para sa safekeeping.

Sa ngayon, 32 pulis na lumabag sa gun ban ang sinampahan na ng kasong administratibo.

Nasa 20 election related violent incidents naman ang naitala ng PNP sa simula ng election period noong Enero.