Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa na mahigit pa sa tatlong superintendents ang kasama sa listahan ng mga tiwaling pulis na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Reaksyon ito ni Dela Rosa sa sinabi ng pangulo na nais niyang ipatanggal sa PNP ang tatlong tiwaling superintendents at 60 pulis.
Ayon kay Dela Rosa, maraming superintendents at mayroon pang senior superintendent na kasama sa listahan ng pulis na involved sa korupsyon at iligal na droga na isinumite nila sa Malakanyang.
Pero lilinawin pa raw niya sa pangulo kung sino sa listahan ang tinutukoy nitong tatlong superintendents.
Ang pagtukoy at paghahabol sa lahat mga tiwaling pulis ay bahagi ng internal cleansing campaign ng PNP.
Inamin naman ni Dela Rosa na isa sa mga dahilan ng pag-extend ni Pangulong Duterte sa kanyang serbisyo ay upang matapos ang internal cleansing.