DAVAO CITY – Nasira ang nasa 30 mga bahay sa dalawang munisipalidad ng Davao Oriental dahil sa malalakas na alon dulot ng bagyong Maring.
Una nang pinalikas ang mga residente na naninirahan sa coastal areas ng San Isidro at Governor Generoso matapos ang naranasan na storm surge.
Sa datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) operation center, nabatid na nasa 769 pamilya ang lumikas.
Kahit ilan sa mga residente ang nakabalik na sa kanilang mga bahay, pinapaalalahanan pa rin ang mga ito na kaagad bumalik sa mga evacuation centers kung muling makaranas ng malakas na hangin.
Samantala patuloy naman ngayon na nakikipag-ugnayan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga apektadong munisipalidad para sa mga ibibigay na tulong.
Una nito, isang malaking fishing vessel ang napadpad sa tabi ng dagat sa Barangay Tibanban sa Governor Generoso sa nasabing lalawigan dahil rin sa malakas na alon.
Sinabi naman ng Pagasa Davao na kailangan manatiling alerto lalo na at nararanasan na ng bansa ang pagpasok ng La Niña na dahilan ng matinding pag-ulan at mga pagbaha.