KORONADAL CITY – Emosyonal na nagreklamo ang nasa higit 30 mga examinees na kukuha sana ng Midwifery examinationsa sa UP School of Health Sciences sa Barangay Carpenter Hill, Koronadal City kaninang umaga matapos na hindi pinapasok at hindi rin pinayagang makakuha ng examination dahil sa walang booster shots ng covid-19 vaccine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mohmina Ali, nasayang ang gastos, oras at review niya at mga kasamahan nito dahil hindi sila pinagbigyan na makapasok man lamang upang makakuha ng exam.
Ayon kay Ali hindi siya na-inform na kailangan niya ng booster ng covid-19 vaccine dahil noong November umano ay nakapagkuha naman ito ng exam gamit ang vaccination card na may 2nd dose lamang.
Isinalaysay pa nito ang hirap na dinanas upang makapaghanda sa exam ngunit nawalan siya ng pagkakataon na matupad ang pangarap nito.
Nagreklamo ang mga ito sa Professional Regulations Commission o PRC dahil sa hindi umano sila na-inform ng maayos bago ang examination day.
Nagpost naman umano ang PRC sa kanilang page noong Abril 3, 2023 na kasama sa requirements sa mga kukuha ng examination ay dapat may booster shots ang mga ito.
Ngunit, pahayag ni Ali hindi lahat ng mga kukuha ng examination ay updated sa social media kaya’t marami ang hindi na-inform ng maayos.
Panawagan naman ng mga ito sa PRC na bigyan sana sila ng konsiderasyon dahil sa malalayong lugar pa ang kanilang pinanggalingan.
.Napag-alaman na ang mga hindi nakakuha ng examination ay mula sa Maguindanao area, Cotabato city at General Santos City.