-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ipinakita sa media sa ipinatawag na press conference ng 5th Infantry Division (ID), Philippine Army ang 32 Improvised Explosives Device (IED) na na-recover at isinuko sa militar.

Kabilang sa mga ito ang mga improvised anti-tank mines, power galvanometer, detonating cord at improvised anti-personnel mines na isinuko at narecover ng mga sundalo ng 5th ID sa ilang bayan sa Isabela, Quirino, Mountain Province at Aurora.

Batay sa naging salaysay ng dating rebelde na si Ka Romy, siya umano ang gumawa sa karamihan sa mga nasamsam na IED.

Ginagamit nila ang mga pampasabog sa kanilang pakikipaglaban at balak na pagpapasabog sa may bahagi ng Upi, Gamu, Isabela.

Inamin niya na siya ang gumagawa ng mga pampasabog sa kanilang grupo kaya’t malaking kawalan sa kilusang komunista ang kanyang pagsuko.

Pagkatapos ng press conference ay pinasabog ang isang anti-personnel mine bilang tanda ng kanyang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Samantala, ikinokonsidera ng pamunuan ng 5ID sa Camp Melchor Dela Cruz Upi, Gamu na “nakabahala” ang kanilang na-recover at isinukong malalakas na uri ng IED sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Inihayag ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commander ng 5ID na matagal nang panahon nang huli silang nakasamsam ng ganoong karaming bilang ng mga pampasabog.

Sinabi ni Lorenzo na mapanganib ang pagkakaroon ng isang IED dahil kayang pagpipira-pirasuhin ang isang light vehicle kung sumabog.

Kapag itinanim sa lupa ay mapanganib ito sa mga sundalong nagpapatrolya sa mga kabundukan maging sa mga mamamayan.

Sinabi pa ni Lorenzo na madaling makabili sa merkado ng mga materyal na paggawa sa IED.

Inihayag naman ni Ka Romy na may mga nagtutungo sa kabundukan upang turuan sila sa paggawa ng IED.

Inamin din niya na may mga kasamang rebelde na naturuan niya sa paggawa ng mga pampasabog.

Nanawagan si Ka Romy sa kanyang mga dating kasama na magbalik-loob na sa pamahalaan dahil walang patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.