BUTUAN CITY – Pinoproseso na ng Police Regional Office (PRO)-13 kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga ang statement ng 31 menor de edad na nailigtas mula sa mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PMaj. Renel Serrano, information officer ng PRO-13, ang 31 mga nailigtas na “child warriors” na kinabibilangan ng 20 mga lalaki at 11 mga babae ay ni-recruit ng mga rebelde sa kabila na ang mga ito ay nasa edad pa lang na 12 hanggang 17-anyos na isang malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.
Ang iilan sa kanila ay sinasanay umano bilang mga medics, intelligence officers at mga warriors kung saan pinapabitbit na sila ng mga armas.
Na-rescue sila ng mga sundalong mula sa 401st at 402nd Brigade, Philippine Army sa inilunsad na mga operasyon.
Dagdag pa ni Serrano, nakipag-ugnayan na sila sa Women’s and Children’s Protection Desks sa mga kaukulang police units sa Region 13 kasama ang mga local Social Welfare and Development officers upang maproseso ang kanilang affidavit nang sa gayo’y masampahan kaagad ng kasong kriminal ang CPP-NPA.
Isusunod naman dito ang pag-consolidate na sa mga affidavits nila para naman sa pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag nila sa International Humanitarian Law.