Nahatulan ng parusang bitay ang nasa 38 Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ay inilahad mismo ni Atty. Hans Leo Cacdac ang kasalukuyang secretary ng Department of Migrant Workers.
Ibinahagi niya na patuloy ang kanilang isinasagawang pag-monitor sa mga Pilipinong mapaparusahan ng kamatayan.
Ayon pa sa kanya, karamihan sa mga kumakaharap ng death row cases ay mula sa bansang Saudi Arabia o Middle East na sangkot naman sa pagpatay, iligal na droga at iba pang mabibigat na mga kaso.
Gayunpaman, sinabi ng naturang kalihim na makasisiguro ang kaanak ng mga OFW na tutulungan pa rin ng pamahalaan ang mga Pilipinong nahatulan ng kamatayan.
Dagdag pa niya, hindi lamang legal assistance ang kanilang ibinibigay bagkus hinahatiran din nila ng tulong maging ang pamilya ng mga ito.
Kaugnay pa rito, ipinagmalaki naman ng Department of Migrant Workers secretary na si Atty. Hans Leo Cacdac na mayroong pinagtutunguhan ang kanilang pag-asiste sa mga Pilipinong may hatol na bitay.
Aniya, ang ilan sa mga kanila ay na-absuelto sa kinakaharap na parusang kamatayan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin nilang binibigyang pansin ang pag-antabay sa magiging resulta ng kaso ng mga tinutulangan nilang Overseas Filipino Workers sa ibang bansa.