TUGUEGARAO CITY – Nasa mahigit 30 ang sugatan sa pagtagilid ng isang pampasaherong bus matapos matapos mawalan ng balanse nang magsalpukan ang Fortuner at kuliglig sa Sta. Maria, Isabela.
Nabatid na nagtamo ng mga minor injuries ang karamihan sa mga sakay na pasahero ng Florida Bus mula Sta. Ana, Cagayan patungong Maynila, na minamaneho ng nagngangalang Eupiniano Pira, 38-anyos ng Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan, nang mangyari ang aksidente sa Barangay Naganacan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, aksidenteng nabangga ng Fortuner na minamaneho ng isang Jerome Wangdali, 47-anyos ng Sta. Teresa, Iguig, ang likurang bahagi ng kuliglig na minamaneho naman ni Bilyo Danga ng Naruangan, Tuao.
Sa lakas ng impact, umikot ang Fortuner at napunta sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa tumama sa gulong ng paparating na bus.
Bilang resulta, pumutok ang kaliwang gulong ng bus sa harapan na naging dahilan upang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver at tumagilid.
Sa ngayon ay nasa ibat ibang pagamutan sa Lungsod ng Tuguegarao ang mga sugatang pasahero ng bus at mga lulan ng kuliglig.
Nagtamo naman ng matinding pinsala ang tatlong sasakyan na nasa kostodiya ng pulisya at isinasailalim na sa imbestaigasyon.