NAGA CITY – Aabot sa mahigit 300 na mga baboy ang nakatakdang isailalim sa culling matapos magpositibo ang African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Bombon, Camarines Sur.
Sa pagharap ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte sa mga kagawad ng media sa Naga City, sinabi nitong mula sa apat na barangay ang naturang mga baboy na kinabibilangan ng Sto. Domingo, San Isidro, San Jose, at San Antonio.
Ang naturang mga lugar ang deklaradong “ground zero” dahil nasa loob ang mga ito ng 1-km radius kung saan unang naitala ang kaso ng nasabing sakit.
Ayon kay Villafuerte, makakatanggap ang mga apektadong hog raiser ng P5,000 mula sa Department of Agriculture habang dadagdagan naman ito ng provincial government ng P3,000.
Para naman sa mga lugar na nasa loob ng 7-km radius ikokonsidera aniya ito bilang under suveillance habang mandatory monitoring ang ipapatupad sa mga lugar na nasa loob ng 10-km radius zone.
Kaugnay nito, nagpatupad na ng total lockdown sa bayan ng Bombon at sa mga katabing bayan habang nagdagdag pa ng mga checkpoint operations sa ilang mga lugar sa lalawigan para matiyak na hindi na kakalat pa ang naturang sakit.