-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Lomobo pa sa 342 kabahayan habang ilan ding government buildings ang kompirmadong nagkaroon ng danyos na epekto sa tumama na magnitude 5.7 na lindol sa Barangay Poblacion, Kadingilan, Bukidnon.

Ito ay batay sa ginawang assessment ng disaster unit ng municipal government na unang nag-iikot sa 17 mga barangays upang alamin ang lawak ng posibleng pinsala ng trahedya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Kadingilan Mayor Jerry Canoy Sr na nasa anim na barangay na pinagmulan ng 101 residential houses ang nagkaroon ng danyos bagamat wala namang kahit isang tao na sugatan o nasawi.

Maging ang mismong opisina ni Canoy at ibang bahagi ng municipal hall nila ay hindi pinaligtas sa pagyanig noong nakaraang Lunes ng gabi.

Samantala, kinumpirma ni Bukidnon’s PDRRMO head Johan Damasco Jr na nagtamo rin ng mga pagkasira ang nasa 241 kabahayan mula sa mga bayan ng Don Carlos at Kalilangan.

Inamin rin nito na mayroong dalawang residente na sugatan subalit minor lamang at hindi dapat pangambahan.

Sa ngayon, inaalam pa ng tatlong municipal government offices ang financial damages sa mga gusali na nagkaroon ng minor cracks at pagdapa ng ilang bahagi ng mga kabahayan.