Nagpositibo umano sa COVID-19 ang nasa 361 sa kabuuang 5.8 million na nabakunahan na ng unang dose ng Sinovac at AstraZeneca.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nasa 173 sa 3.7 million vaccinees na nabakunahan ng first dose ng Sinovac vaccine ang natamaan ng COVID-19 kung saan 11 dito ang namatay dahil sa severe respiratory disease habang 188 naman sa 2.1 milyong indibidwal na naturukan ng unang dose ng AstraZeneca ang na-infect ng virus.
Sa mga nabakunahan naman ng second dose ng Sinovac, 60 sa 1.6 million na indibidwal ang na-infect pa rin sa COVID-19 habang anim naman sa 427,000 na nakakompleto ng dalawang AstraZeneca vaccine shots ang nagkasakit bagamat pawang mild cases at walang naitalang nasawi.
Itinuturing na fully vaccinated ang isang vaccine recipient makaraan ang dalawang linggo mula ng maturukan ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.
Binigyang diin naman ni Domingo ang kahalagahan ng pagkompleto ng bakuna kontra COVID-19 kung saan pagkatapos na mabakunahan ng ikalawang dose ay halos wala na aniyang naitatalang severe cases ng covid19.
Patuloy pa rin ang paalala sa mg apubliko sa pagtalima sa mga health protocols matapos na makumpletong mabakunahan ng dalawang doses ng COVID vaccine.