-- Advertisements --

Nakabalik na sa Pilipinas ang mahigit sa 300 Pilipino mula sa bansang Lebanon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Office of the President, dumating sa bansa ang 317 repatriates lulan sa isang special chartered flight na bahagi ng twin repatriation and goodwill mission ng Pilipinas sa Lebanon.

Kabilang din sa dalawang araw na misyon ang paghahatid ng suplay ng pagkain para sa Pinoy community, turnover ng medical supplies sa mga grupo at ospital, at pulong sa mga Pinoy community leaders sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.

Ipinag-utos din anila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang misyon kasunod ng kanyang talumpati sa ika-75 sesyon ng United Nations General Assembly noong Setyembre 22.

Sa pinakahuling tala, nasa 2,596 Pilipino sa Lebanon ang napauwi na ng gobyerno mula Disyembre 2019.

Habang nasa mahigit 193,000 Pinoy naman ang na-repatriate na sa bansa mula noong Pebrero 2020 dahil sa health crisis.