Mahigit 35,000 units ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) at mga taxi ang pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mag-operate sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB na batay sa kanilang datos hanggang ngayong araw, pinahintulutan na nilang mamasada ang nasa kabuuang 35,514 units, kung saan 18,813 ang TNVS at 16,701 naman ang mga taxi.
“Ang pagbabalik ng mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS) units na mula sa iba’t-ibang Transport Network Companies (TNCs) ay alinsunod sa Memorandum Circular (MC) 2020-018 o ang ‘Guidelines for the Operations of Taxis and TNVS during the Period of GCQ’,” saad sa pahayag.
Ipinababatid din ng ahensya na walang taas-pasahe para sa mga aprubadong taxi at TNVS units, at cashless na transaksyon lamang ang papayagan bilang paraan ng pagbabayad.
Dagdag pa ng LTFRB, dapat ay may suot na face masks ang mga pasaherong sasakay sa mga TNVS at taxi.
Pinaalalahanan din ng LTFRB ang mga operators at drivers ng mga taxis at TNVS na sundin ang ipinatutupad na health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Ipinapaalala ng LTFRB sa mga operators at draybers ng mga taxis at TNVS na sundin ang mga protocols na nakalagay sa MC 2020-018 upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, tulad ng pagsusuot ng face mask at gloves, paglilinis at pag-disinfect ng kaniya-kaniyang unit bago at pagtapos ng kada byahe o kada dalawang oras, paglalagay ng harang gawa sa non-permeable at transparent na materyales, at pagsunod sa passenger seating capacity na batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Kagawaran ng Transportasyon,” dagdag nito.
Una rito, sinabi ng Department of Transportation na hahatiin sa dalawang phase ang pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine, kasama na ang Kalakhang Maynila.
Sa ilalim ng Phase 1, na tatakbo nila Hunyo 1 hanggang 21, papayagan ang pagbabalik-operasyon ng mga train systems tulad ng MRT, LRT AT PNR, bus augmentation, taxi, TNVS, shuttle services, point to point (P2P) buses at bisikleta.
Samantala, sa ilalim ng phase 2 na sisimulan mula Hunyo 22 hanggang 30, maaari na ring makabiyahe ang mga pampublikong bus, modern jeep at UV express para sa limitadong kapasidad.