Nasa kabuuang 36,193 mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang nakatanggap ng libreng sakay mula sa pamunuan ng MRT-3 kahapon, Setyembre 14,2021.
Ang libreng sakay ay sa oras ng peak hours mula ika-7:00 hanggang ika-9:00 ng umaga at mula ika-5:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi.
Ang inisyatibong ito ay direktiba ni DOTr Sec. Art Tugade upang hikayatin ang mga pasahero na magpabakuna at matulungan ang mga ito sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3 ngayon ang huling araw September 15,2021 ng libreng sakay para sa mga bakunadong Authorized Persons Outside Residence (APORs) sa pagtatapos ng implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Makasasakay nang libre ang mga APOR na nakapagpabakuna na ng isa o dalawang doses ng COVID-19.
Upang makatanggap ng libreng sakay, kinakailangang ipakita ng mga APOR ang kanilang vaccination card sa security personnel sa mga istasyon, kasama ang alinman sa sumusunod na ID upang mapatunayang sila ay APOR: Certificate of Employment (COE) at isang valid o government-issued ID; Professional Regulation Commission (PRC) ID; o company ID. Tanging mga APOR lamang ang pinahihintulutang makasakay sa MRT-3 sa ilalim ng MECQ.
Mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols sa buong linya ng MRT-3, kabilang ang “7 Commandments” kontra COVID-19.
Ito ay ang mga sumusunod:
1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at 7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.